Tag Archives: Pasismo

Oh, diyosko!

O kaya 'wag mo na lang tingnan.

1. Hindi ito tungkol sa’yo.

Magkaintindihan tayo.

Kung isa akong alagad ng sining at naglagay ako ng tite sa noo ng larawan ni Kristo, hindi ito tungkol sa’yo.Maaaring gumagawa ako ng pahayag tungkol sa duwalidad ng profane/divine imagery. Maaaring gumagawa ako ng pahayag tungkol sa hipokrismo ng lipunan. Maaaring tinatamad lang ako at hindi ako magaling sa visual metaphors.

Pero ang maliwanag ay hindi ko ito ginawa para insultuhin ka.Kilala ba kita? May ginawa ka ba sa akin? Bakit kita iinsultuhin e ni hindi nga kita kilala? Maaaring nakakainsulto ang ginawa ko sa mga sensibilidad mo, totoo. Pero lamunin mo ang kayabangan mo. Hindi umiikot ang mundo sa malaki mong bungo, at wala akong panahong insultuhin ka bilang indibidwal.

At ‘wag mong isama dito ang nanay mo. Nagtirik ako ng tite sa noo ng larawan ni Kristo, hindi ng nanay mo. Hindi public figure ang nanay mo. Malamang hindi rin isang historikal, politikal, ispiritwal at pilosopikal na icon ang nanay mo. Walang mga gunggong na naniniwalang hindi pwedeng humingi ng diborsyo ang isang binubugbog na babae dahil magagalit ang nanay mo. 

Wala pang giyerang inilunsad sa pangalan ng nanay mo.

Kaya bilang isang alagad ng sining, bilang kabahagi ng lipunan, meron akong karapatang magtirik ng tite sa noo ng isang larawan ni Kristo, pero wala akong karapatang magtirik ng tite sa noo ng larawan ng nanay mo. Dahil sa’yo ang nanay mo, pero sa ating lahat ang mga icon kagaya ni Kristo, gustuhin mo man ito o hindi. Mabuti nang ngayon pa lang ay  maintindihan mo na ito.

2. Mahina ang pananampalataya mo

At ikaw pa ang may ganang mag-demanda

Bakit ka nga ba naiinsulto? Bakit ang laki na lang ng galit mo? Bakit handa kang magsimula ng apoy sa CCP na kung lumaki ay maaaring makapatay ng tao? Bakit handa kang pagbantaan ang buhay ng kapwa mo para sa isang imaheng hindi naman tungkol sa’yo? 

Alam ko kung bakit. Kasi mahina ang pananampalataya mo. 

Nakasalalay ang pananampalataya mo sa pag-sang ayon ng iyong mga kaibigan, ng iyong mga kaklase, ng iyong mga magulang. Nakasalalay ang pananampalataya mo sa pag-sang ayon ng mga taong nakapaligid sa’yo. Nananampalataya ka lamang dahil lahat ng nakapaligid sa’yo ay katulad mo. Kung nabuhay ka nuong panahon na kung saan pinapakain ang mga kristiyano sa leon, ikaw ang unang sasamba kay Caesar.

Kaya’t kada maliit na tusok humihiyaw ka. Kada maliit na tapik naghuhuramentado ka. Dahil kapag nagalaw ang komportable mong higaan ay hindi mo alam kung saan ka pupulutin. 

Kung matibay ang pananampalataya mo, ang sagot mo kay Mideo ay “Eh ano ngayon?”

Ngunit marupok ang pananampalataya mo, kaya’t ang sagot mo kay Mideo ay “O dyosko sunugin n’yo ‘yan ayokong makita!”

3. Naglalakwatsa ang simbahan mo

Ilagay mo ang sarili mo sa kasaysayan; handa kang manakit, handa kang pumatay nang kapwa mo dahil nainsulto ang makitid mong sensibilidad?

Ikaw ang pumatay kay Galileo. Ikaw ang nagbura sa kaalaman at sibilisasyon ng mga Maya. Ikaw ang bumaril kay Rizal. Ikaw ang bumatikos kay Darwin. Ikaw ang nagsunog sa mga album ng Beatles. Ikaw ‘yung gunggong na hinihimatay dahil akala mo’y satanista ang Eraserheads dahil may narinig kang kung ano nang patugtugin mo ang cassette nila nang patalikod (at gunggong ka talaga kung nagugulat ka pang may maririnig kang kakaiba pag bi-nack mask mo ang isang cassette). Ikaw ang nagsunog sa mga kababaihan ng Salem dahil marunong silang manggamot. Ikaw ang nagbigti sa mga babaylan. Ikaw ang humiwa-hiwa sa katawan ni Hypatia.

Ikaw ang pariseong nagpapako ng isang “mambababoy” at “blasphemous” na karpintero sa krus.

 Pero hindi mo ito makita, ano? (At as usual, ni hindi mo makita na ang bawat maliit na bagay na sinusubukang i-censor ng mga gunggong na katulad mo ay lalo lang sumisikat).

 4. Mideo

Mideo. Saka na natin pag-usapan ang pagiging passé ng imagery mo. Saka na natin pag-usapan ang merits (o kawalan ng merit) ng shock art. Ngayon ay isa kang kapatid sa paglikha.

 Huwag kang matakot, Mideo.  Maging matapang ka.

 Maaari mo sigurong sabihin na madali itong sabihin para sa akin. Madali sa aking magtapang-tapangan dahil hindi ako ang pinagbabantaan.  Hindi ako ang hinahabla.

 Pero hindi ako nagtatapang-tapangan, Mideo. Hinihiling kong huwag kang matakot, hinihiling kong maging matapang ka, dahil ako ang natatakot. Natatakot ako para sa bawat alagad ng sining na kilala ko’t hindi kilala. Natatakot ako para sa sining. Natatakot ako para sa Pilipinas.

Ang daan paharap ay ang patuloy mong paglikha, kapatid. Kung kaya mo pang lumikha, kaya pa naming lumikha. Pabayaan mo silang bumatikos. Passe na kung passé, mas matatag pa rin ang iyong sining sa kanilang pananampalatayang papel.

Advertisements