Category Archives: Salamangkera

Salamangkera: Ala-ala ng Hibang II

Ang pinakauna kong mga alalaala’y tungkol sa orpanahe at tikbalang.

Ngayon, ang orpanahe.

Gaya ng maraming mga institusyon ng Maynila’y nasa pagitan na ito ng matinding sakit at kamatayan. Siguro’y dati’y puti ang dingding nito, ngunit pagdating ko ro’y isa na itong maputlang dilaw. Wala ni isang bintana rito ang kumpleto ng jalousie (oo, inisa-isa ko sila). Tuwing Miyerkules ay walang tubig. Pagpatak ng alas-nuebe y medya ay kailanga’y tulog na kaming lahat dahil pinapatay ang kuryente para makatipid. Hindi ko alam kung ilang bata ang nakatira sa orpanahe, ngunit alam kong may tatlumpu’t-limang kamang bakal sa kwartong tinutulugan ko.

Bagamat mahirap ay hindi naman ganu’n kasama ang tumira sa orpanahe. Mababait ang mga madreng nag-aalaga sa amin, maski talagang hindi sila nagpapalampas ng kahit ano mang kalokohan.

Nuon pa lang ay hindi na ako palakaibigan.

Ay mali, wala palang gustong makipagkaibigan sa akin. At dito pumapasok ang tikbalang.

Tatlong taon ako nu’n. Nakita ko s’ya isang Miyerkules. Alam ko dahil walang tubig at lumabas ako para magpalamig. Mayroong malawak na patag sa likod ng orpanahe, na siguro dati, nang bago pa ang lahat ay isang harding pwedeng paglaruan ng mga bata. Mahilig magtakutan ang mga ulilang may mga ahas, alakdan, at kung anu-ano pang nakakalasong mga nilalang ang nakatira dito, kaya’t walang nangangahas na pumunta.

Pero alam ko, sa puso ng aking mga puso, na hindi ako masasaktan sa harding ito. Kaya’t tuwing masyadong mainit ay dito ako pumupunta, umiikot sa mataas na talahib, naglalaro sa mga natibag na bato ng mga lumang puente. Sa likuran ng isang bakod ay mayroong pila ng mga santan, napabayaang tumubo nang kung paano mang tumutubo ang santan kapag hindi pinapapakialaman. Dilaw, puti at rosas ang mga ito, at kapag hinila mo ang maliliit nitong bulaklak ay magbibigay ng tig-isang patak ng matamis na pulot. Laking pasasalamat ko na takot ang ibang mga bata dito, sapagkat dito ako pumupunta para sa katahimikan.

Maski ang mga nilalang nito’y hindi mapanganib; ang mga uod, alakdan at bubuli’y hindi nananakit kung hindi mo sila sinasaktan. Panaka-naka’y may mga lamok na nangangagat, ngunit tinrato ko lamang buwis ang ilang patak ng aking dugo para sa paraiso.

Napakatahimik n’ya. Sa totoo lang ay hindi ko naman talaga narinig ang kanyang yabag, o paghinga. Hindi ko nakita ang kanyang paggalaw, o napansin ang kanyang amoy. Ang narinig ko lang ay ang malalim at mabagal na tibok ng kanyang puso. Para itong kamaong bumabagsak sa isang kahoy na lamesa habang nakapatong ang mukha mo dito.

Pumipitas ako ng bulaklak nang matunugan ko s’ya sa aking likuran. Hinarap ko s’ya, at parang mas nagulat pa s’ya kaysa sa akin. Bahagya s’yang nakatago sa talahib, ngunit matingkad ang kanyang kapeng katawan at itim na buhok sa maliwanag na luntian ng damuhan.

Dito ko natutunan ang kanyang pangalan. Tikbalang. Hindi ko pa naririnig ang pangalang ito, ngunit binulong n’ya ito, hindi mula sa kanyang bibig, ngunit mula sa kanyang puso. Tikbalang lang, wala nang iba, walang katangi-tangi, basta Tikbalang.

Napakabilis na ng pagkabog ng kanyang puso. Bumilis rin ang kanyang paghinga, at panandalian akong napalalahanan ng isang aso.

“Kumusta po?” tanong ko, nang makaipon na ng sapat na tapang.

“Dumagat” bulong n’ya.

“Julianna po.” sagot ko, “ako po si Julianna.”

“Dumagat. Ikaw si Dumagat.”

Sinubukan ko s’yang lapitan, ngunit mabilis ko itong pinagsisihan nang s’ya’y umatras. Tumayo s’ya. At tumayo. Tumayo s’ya nang tumayo na para bang hindi na s’ya matatapos sa kakatayo. Ngunit natapos rin s’ya, at napansin kong ni hindi man lamang lumampas ang aking ulo sa kanyang mga tuhod.

“Pasensya na po kayo, hindi ko po kayo sasaktan.” Nakakatawa, ngayong iniisip ko itong muli, na kung magsalita ako’y parang alam ko na kung sino ang makapangyarihan sa aming dalawa.

Ngunit sa totoo lang ay hindi ko pa ito alam sa panahong ‘yon. Napansin kong umakma ang kanyang mala-trosong mga binti; humigpit ang mga litid sa kanyang leeg. Nanlamig ang aking puso.

“Ilag.”

Sumugod sa akin ang dambuhala. Narinig kong tumili ang sarili ko. Yumanig ang lupa sa bigat ng kanyang mga yabag, at napuno ang aking bungo ng kanyang mga iniisip, isang linggwaheng hindi ko maintindihan, magaspang ngunit pagkaganda-ganda.

Bumukas ang butas sa aking puso. Lumabas ang hangin, at tinalon ako ng halimaw.

Umikot ang aking mundo. Nakita kong wumagayway hindi lamang ang mga santan, ngunit pati na rin ang matitipunong puno ng sampalok. Malamig ang  damo sa aking mukha. Natibag na rin ang mga lumang puente, sa isang hindi maipaliwanag na dahilan. Sa gilid ng aking paningin, ang buntot ng tikbalang, itim at ginintuan.

Tumitili pa rin pala ako, napansin ko, nang magtakbuhan palabas ang mga madre at mga bata.

Salamangkera: Ala-ala ng Hibang I.

Minsan, parang ang daling makalimot.

Lumulutang ako sa kalangitan, isang dagat ng tintang tinutuldukan ng mga bituin. Tila ako hangin, walang kayarian. Wala ang kalunos-lunos na bigat ng mundo.

Nan’duon lamang ako, at ang mga tala.

Ako’y isinilang sa isang taong gaya rin ng iba pang taon. Kung tatanunging mo ang araw, ang buwan, ang mga puno’t ulap, ay sasabihin nilang wala namang kakaiba sa taong ito.

Ngunit kung tao ang ‘yong tatanungin ay siguradong maaalala nila ito bilang ang ika-dalawampu’t huling taon ng diktaduryang Ignacio.

Maraming iba’t-ibang bersyon sa aking pagkakapanganak. May taong nagsasabing dinala raw ang aking ina sa ospital gamit ng isang bisikleta. Mayroong nagsasabing nilakad nila ang mahigit sampung kilometro paputang ospital. Mayroon ding nagsasabing ninakaw nila ang owner-type jeep ng kapitbahay.

Ang malinaw lamang ay walang gustong tumulong sa kanila. At bakit nga ba naman sila tutulungan ng mga tao? Parehong wanted ng diktador ang aking mga magulang.

Tumakbo raw ang aking ama, nagsisisigaw at humihingi ng tulong sa labas. Ilang sandali lang ay sumunod naman ang aking ina.

Natiis nilang panoorin ang aking ama, ngunit nang lumabas na ang aking ina ay sinarado na nilang lahat ang kanilang mga kurtina’t bintana. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila alam kung paano nga ba sila nakarating sa ospital.

Ngunit itatanggi ng lasinggero ng kanilang barangay; si tatang Tomas.

Ayon sa kanya’y s’ya lamang ang magtankang tumulong sa mag-asawa. Ngunit nang makitang wala naman s’yang tunay na maitutulong ay saka naman may nangyaring kababalaghan.

Nagsimula raw maghukay ang aking ama.

Pero hindi ito ang hukay na ginagawa gamit ang kamay at pala (ano nga ba namang magagawa ‘nun?).

Isa raw itong butas sa kalawakan.

Sumusumpa si tatang Tomas na hindi s’ya nakainom (mahirap mang paniwalaan) habang nangyayari ang lahat ng ito. Lumaki raw nang lumaki ang butas, hanggang halos lamunin na silang tatlo nito.

Nang matapos ang paghuhukay ay sumilip s’ya dito. Hindi n’ya makita ang kailaliman nito. Kaya naman laking gulat n’ya nang gabayan ng aking ama ang aking ina paloob.

“‘Dre, sa’n ba papunta ‘yang butas mo?” tanong n’ya.

“Sa ospital po, ‘Tang.” sagot naman ng aking ama.

“‘Dre, walang ospital sa ilalim ng lupa.”

“Hindi po ito pailalim sa lupa, papunta po itong Maynila.”

Sumilip muli si tatang ngunit para sa kaniya’y isa lamang itong madilim na butas.

“Sigurado ka ‘dre?”

“Sigurado po,” ngiti ng aking ama, “‘wag na po kayong mag-alala.” May inabot raw s’yang isang itim na bato, makinis at malamig. “Eto po, salamat po sa pagtulong, mauuna na po kami.”

At sumunod ang aking ama pababa sa butas, at pareho silang nawala sa kanyang paningin.

“walang butas na natira,” paliwanag n’ya, “gawa ng pagtalon ni Armando e biglang nagsara.”

Ngunit nagkakaiba-iba man ang istorya kung paano sila nakarating sa ospital ay iisa lang ito pagdating nila duon.

Mabilis nilang pinaupo ang aking inang namimilipit sa sakit sa wheelchair. Nagmakaawa s’yang pasamahin ang aking ama, ngunit hindi pinayagan ng mga duktor, na inutusa ng mga pulis ng diktador. Nang mawala s’ya sa paningin ay agad nilang pinosasan ang aking ama, at dinala sa kung saan man nila dinadala ang mga pinoposasan.

Hindi raw umiyak ang aking ina nang ako’y iluwal. Basta’t umire lang s’ya ng isang matindi, at lumabas na ako.

Ako man raw ay hindi rin umiyak. Ayon sa mga mapamahiing nurse ay dahil raw sanay na kami sa sakit at dalita.

Nilinis nila ako, binihisan, at binigay sa aking ina. Ilang oras raw kaming nagtitigan, na sa sobrang tindi ay walang nangahas na galawin kami.

Nang kailangan nang umuwi ng mga duktor ay dito sila nakiusap kung pwede na raw ba nila kaming ilipat. Nagpaunlak ang aking ina, at dinala nila kami sa isang pribadong kwarto.

Kinabkuasa’y wala na kami pareho. Walang nakakaalam kung paano n’ya nalusutan ang mga sundaong inatasan nilang magbantay, basta’t pagpasok ng nurse para sa aking unang check-up ay wala na kami roon. Inayos pa ng aking ina ang mga kumot at kobre kama.

Iniwan n’ya ako sa harapan ng isang simbahan, at tuluyan nang naglaho.